Thursday, August 14, 2008

Mag-isip ka Iskolar



ni: Maricar R. Sillacay


Iskolar nga kung tinuringan
libre na sa matrikula ng paaralan,
wala nang mababayaran
kaligayahan ng mga magulang
hindi mapapantayan.

"Proud" sina nanay at tatay
dahil makapag-aaral na si inday
matalino kasi at masipag pa
lagi raw sa klase di pumapalya.

Laging bida sa mga kwento ni nanay
sa lahat ng mga kapitbahay
pinagmamalaki si inday ay iskolar
bida sa mga kwento,siya lagi ang "star".

Haay...isang buntung-hininga...
kung naiisip lamang ni inday
hangad ng lahat siya'y magtagumpay
upang makaalpas sa hirap ng buhay.

kawawa pala si nanay at tatay
malamang anak na si inday
di pala totoong nagsusunog ng kilay
at naging pariwara pa sa buhay.

Iskolar nga ng bayan kung sila'y tawagin
isang uportunidad ng sa gayon
makatapos at magandang bukas ay abutin
kaya ito sana ay maayos na gamitin.

Bigyan natin ng kahalagahan ang pagaaral
lingunin sana ang ating pinanggalingan
si nanay at tatay bigyan ng regalo
regalong makatapos sa kolehiyo.

Ang pagiging iskolar man ay mahirap
mahirap sa simula sa huli'y sarap;
Kaya maghirap ka muna upang sa huli
buhay mo sa bukas ay laging masarap.

Pagpanatili ng iyong mga marka
dapat matataas di dapat pumapalya
upang iskolar ka hanggang sa magtapos
kapanatagan sa buhay nito'y dulot.

kaya ikaw man ay iskolar ngayon
isipin mo maswerte ka't nakapag-kolehiyo;
Kaya hanggat hindi pa huli ang lahat
sana'y mag-isip ka ISKOLAR!




No comments: